Hindi
madaling maging biglang tambay, lalo na kung babae ka at matagal na panahon na
ring sa balikat mo naka-atang ang lahat ng responsibilidad na pinansyal ng iyong
pamilya. Paano mo maatim na isipin na sa
bawat minutong lumilipas na wala kang trabaho ay palapit nang palapit ang
posibilidad na wala ka nang baryang masusungkit sa alkansya at mag-uumpisa na
naman kayong kumain ng Oishi crackers at kamatis; o kaya’y mapuputulan kayo ng tubig at kuryente; at paano kung dumating ang punto na maging
ang deposito nyong renta sa bahay ay maubos na at matuluyang palayasin ng
may-ari ng bahay?
Maaatim
mo bang makita ang nanay mong senior citizen na pero nagpipilit na bumalik sa
trabaho, gayung alam mong marami na syang dinaramdam sa katawan? Paano mo hahayaang umalis mag-isa ang nanay
mo araw-araw para mag-trabaho sa lugar na alam mong marami syang madaraanang
lubak, humps at hagdan na alam mong anumang sandali ay maari syang matalisod,
matapilok at madapa?
Para
makabawi ka sa konsyensyang nararamdaman, nagpakabait ka, lahat ng gawain sa
bahay inako mo naman, naglaba ka, linis ng bahay, hugas ng pinggan, nagplantsa,
gustuhin mo mang mamalengke, wala ka namang pamalengke. Para sa nanay mo, naliligo ka na rin
araw-araw, kahit na ang prinsipyo mo nuong may trabaho ka pa ay, “walang pasok,
walang paligo”.
Naisip mo
pang magtinda ng yelo, ibenta ang mga bote at mga sirang appliances na bibilhin
sa iyo sa halagang singkwenta pesos kung pwede pang gawin at pakinabangan. Naisip mo ring mag-paper mache at gumawa ng
paperbag at supot at ibenta, pero alam mo namang walang bibili. Naisip mo na ring magtanim ng marijuana sa
maliit na paso sa bakuran nyo, hindi mo lang alam kung saan ka makakahanap ng
binhi. Kinunsidera mo na rin ang susog
ng pinsan mo na gumawa ng malunggay capsule na pwede raw ibenta ng syete pesos
per capsule ayon sa napanood nya sa TV, kaso, konti lang ang dahon ng malunggay
na tanim ng kapit-bahay, baka maka-sampung capsule ka lang, idedemanda ka pa ng
DENR, DOH at ng kapit-bahay mo.
Sinubukan
mong gumawa ng resume, makalipas ang apat na taon, napagtanto mong mukhang
basura ang resume mo kung itatabi sa mga resume ng mga makakasabay mong
mag-apply. Wordstar pa yata ang program na ginamit mo sa huling resume na
nagawa mo at ine-edit mo na lang sana para ma-update. Nagbukas ka ng internet para tumingin ng
makabagong templates ng resume, hindi mo nagustuhan ang mga nakita mo, sabi mo
masyadong maboladas ang mga nauusong resume ngayon. Kailan pa nangyaring ang papel na ipapasa mo
sa kumpanya ang magiging dahilan para matanggap sa trabaho, yung papel bang
iyon ang magtatrabaho para sa kumpanya? Pero
naisip mong, nagri-reason ka na lang kasi alam mong sa dalawang kumpanyang
pinasukan mo sa loob ng sampung taon, wala ka nang maidadagdag na impormasyon
para mapaganda ang resume mo. Mabuti
sana kung ang mag-iinterview sa iyo ay yung dati mong teacher sa Araling
Panlipunan nung high school na die-hard fan ni Sharon Cuneta, na basta dikitan
mo lang ng litrato ni Sharon ang notebook mong che-chekan nya, 100 na kaagad
ang grade mo, kahit ano pa ang nakasulat dun.
Nagpatulong
kang gumawa ng resume sa pinsan mo, wala rin naman syang nagawa para baguhin
ang resume mo kundi punahin ang weight mong nakalagay, hindi ka raw 110 lbs,
sigurado raw syang mas mabigat ka pa sa 110 lbs. Nag-suggest
din sya na lagyan ng “objective” ang unahan ng resume mo, pero wala ka namang
maisip na objective dahil hindi mo nga alam kung ano ang pinagkaiba ng adverb
sa adjective at kung minsan ay pumapalpak pa sa subject-verb agreement, hindi
pala sila nag-aagree. Ang nangyari, ang
pinsan mo ang naglagay ng objective na hanggang ngayon, hindi mo pa rin binabasa
kung ano ang inilagay nya, iniisip mo na lang na sana 111 lbs. lang ang
inilagay nya sa weight mo.
Namroblema
ka rin bigla nang maalala mong kailangan mo nga pala ng litrato na 2x2 para
idikit sa resume mo. Inisip mong
halungkatin ang files mo ng pictures na ginamit mo nuon sa mga ID applications
mo. Hindi uubra, payat ka pa nuon,
mahaba at itim pa ang kulay ng buhok, bata pa, maputi at makinis pa ang
eyeball. Naningin ka ng files sa
facebook, wala kang matinong piktyur, palagi kang nakanganga, kung hindi man
naka-joker smile, naka-hudas at pokpok smile naman. Kailangan mong magpa-piktur sa tunay na
photographer ng pang-ID. Naalala mo
tuloy nung isang araw na pumunta ka sa NBI para kumuha ng clearance, pinaharap
ka sa camera pagkatapos i-scan ang fingerprints, nagdalawang-isip ka kung
ngingiti ka ba o sisimangot. Naisip mo
kasi, yung piktyur na lalabas sa NBI clearance mo ang ipapaskil nila sa TV at
poste ng MRT bilang “WANTED” kapag pinag-suspetyahan kang drug mule ng
malunggay capsule na may halong marijuana.
Nag-internet
ka rin at kumuha ng tips sa interview questions and answers, pero nang
pina-praktis mo nang sagutin ang mga interview questions, napapatigil ka at
napapaisip ng tamang isasagot na hindi ka naman magsisinungaling. Naisip mo na naman ang personality at
psychological exam na kinuha mo para matanggap ka sa dati mong trabaho,
nagsinungaling ka nang nagsinungaling sa multiple choice questions, at palagay mo
ay pumasa ka dahil sa pagsisinungaling mo, nagduda ka rin sa sarili mo na kung
hindi ka kaya nagsinungaling sa exam nuon, ang naging resulta kaya nun ay
katunayan na “may sayad” ka nga sa utak?
Marami
ka pang gustong ikumpisal bilang isang “biglang tambay”, pero naisip mo, hindi
ka naman magkakatrabaho sa pagsusulat mo ng mga iniisip mo. Iniisip mo pa nga kung
maaaliw ang mga magbabasa ng mga isiniwalat mo, na sana ay maisip nilang
nakakaawa ka at pasahan ka nila ng regular load na bente pesos sa celphone
number mong 09064123905 na hindi mo nga alam kung gumagana pa, dahil mag-iisang
taon mo na ring hindi nalalagyan ng load…