Lunes, Mayo 28, 2012

Kaya, Dito Na Lang...

    Pinakamahirap sa lahat ng pagsusulat ay yung gusto mong magsulat pero wala ka namang maisip na isusulat.  Sa kaso ko, bihirang mangyari yun, lagi akong may gustong isulat at kung maaari nga lamang on the spot ay maisulat ko na kaagad ang naiisip ko.  Dahil kapag pinagtagal ko pa iyon, makakalimutan ko na at kapag naalala ko na uli at tinangka ko nang isulat, nagiging korni na ang labas, baduy, jologs!  Kumbaga sa sopdrinks, nabuksan na ang bote, nakawala na ang espiritu, hindi na nararamdaman ang pagguhit sa lalamunan.  Wala nang thrill, walang sustansya, sayang lang ang tinta.

     Ang kaso ko pa naman, madalas kapag nakakaisip ako ng isusulat, yun ay sa oras ng trabaho ko, yung tipo bang, naglalakad ako sa maalikabok at mabatong kalye at naisip kong isulat kung gaano kalaking kulangot ang nasasala ng ilong ko, o ikwento ko ang plano kong pagvi-video sa dalawang asong naglalampungan sa daan.  Hindi naman pwedeng right then and there ay sumalampak ako sa bangketa at magsulat diba, syempre, mavi-video muna ako!  Pero dahil nga sa dilemma ng ano ba ang mas gusto kong gawin, magsulat o mag-video, wala tuloy natuloy alinman sa plano ko.  Nakaraos na yung dalawang aso at hindi rin ako nakapagsulat dahil hindi ko natiis ang malaking kulangot na nakabara sa ilong ko, nangulangot na lang ako.  Pero hindi ko rin naisulat kung gaano kalaki ang kulangot na nakuha ko, dahil nalaglag iyon sa batuhan at hindi ko alam kung alin na ang kulangot at alin ang bato.

     Nakakapagsulat lang ako nang mahusay kapag mga alanganing oras ng hapon, kapag oras ng “Eat Bulaga” at malapit nang mag-“Dramarama Sa Hapon” hanggang sa bago mag-alas singko.  Yun yung mga panahon na halos lahat ng tao ay walang magawa o ayaw gumawa dahil tinatamad.  Dun ako sa huli, tinatamad magtrabaho, bukod sa wala naman talaga akong magagawa sa ganuong oras, nagsusulat na lang ako.  Ang kaso nga, ang pangalawang pinakamahirap sa pagsusulat ay yung wala kang lugar na mapagsusulatan.  Hindi problema ang papel, draft lang naman ang isinusulat ko, kahit na sa tissue paper okay lang, wag lang ako maiihi o matatae habang nagsusulat dahil tiyak na maipamumunas ko ang “draft” ko.  Mas madalas pa naman ako magsulat sa mga fastfood at hospital.

     Masarap sanang magsulat sa fastfood chains lalo na at ang oras ng pagsusulat ko ay yung oras na walang gaanong taong kumakain, walang reason para ma-conscious ako na baka may gustong umupo sa mesa ko para kumain.  Ansarap nun, aircon pa!  Ang mahirap lang, pag napasarap ako sa sinusulat kong wala namang laman, hindi na ako makatakbo kaagad sa pupuntahan ko para magtrabaho kapag natauhan ako.

    Mas safe kung magsusulat ako sa hospital, anytime na maisip kong magtrabaho, presto, nasa trabaho na ako!  Pero mahirap pa rin maghanap ng lugar na pagsusulatan.  Anhirap nung nagsusulat ka, may katabi kang pasyenteng nakikibasa sa sinusulat mo.  Pag natatawa ka sa sinusulat mo, nakikitawa rin.  Wala kang privacy!  Ayan, akala nya hindi ko sya napapansin na binabasa nya ang sinusulat ko.  “Wala ka nang magagawa, naisulat ko na, naisumbong na kita sa mga readers ko!”. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  Haaay, sorry about that huh, umalis na sya, nahiya, mabuti naman!  Ba’t naman hindi sya mahihiya, eh hindi ako tumigil kakatuldok hanggat hindi nya inaalis ang tingin nya sa sinusulat ko!  Makalipat na nga rin!

     So ganun nga, anhirap maghanap ng lugar na pagsusulatan, mabuti na lang at nakita ko ang lugar na ito…  Okay dito tahimik, sarili ko ang bentilador, malamlam nga lang ang lighting, pero okay lang sa akin, at least nakakapag-meditate akong mabuti…  solemn.  Bukod dun, pwede akong magtanggal ng sapatos at malaya kong maiko-”close-open” ang mga daliri ko sa paa.  Malaking kaginhawahan din yun sa akin anoh!

     Hindi rin naman ganun kaganda ang lugar na ito para pagsulatan, I mean, meron ding mga istorbo.  Paminsan-minsan may pumapasok, so kailangan kong tumigil sa aking ginagawa at magkunwang nag-iisip.  Anhirap nun hah!  Mabuti na lang at di naman sila gaanong nagtatagal, ang kailangan ko lang gawin ay pumikit at isubo nang buo ang bolpen ko nang para lang nagdarasal.  Matagal na ang sampung minuto, aalis din yung pumasok…  pero kulay violet na ang mukha ko sa pagkabulon sa nakasubong bolpen.  Iyon ang dahilan kung bakit pinili kong umupo sa sulok, dun sa bandang hindi ako mapapansin ng bagong dating.  At least hindi na ako mapipilitang isuot ang sapatos ko at isubo nang buo ang bolpen at papel.  Ang mahirap ay yung may darating na may dalang rosaryo at nobelita!  Thank God, di pa naman ako nakaranas na madatnang nagsusulat ng ganuong klaseng tao sa prayer room!

     Oo na, bad na ako kung bad!  Pero kailangan nyong maintindihan na alisin mo lang ang sign na “Prayer Room” sa labas ng pintuan ay hindi nyo na maiisip na prayer room nga ang natagpuan kong hangout para mapagsulatan.  Puro upuan lang sa paligid at dim light, ni walang “krus” kang makikita, considering that it’s a Catholic-governed hospital.  Iyon nga ang maganda sa lugar eh, blank space ang paligid, kahit ayaw kang dalawin ng sagimsim, pwedeng-pwede mo itong tawagin at kahit ano, maisusulat mo.  Kahit pamparami lang.  Ang kaso nga lang, hindi ako makapagsulat ng gross na topic, yun pa naman ang expertise ko!  Nagi-guilty na nga ako eh, hindi ako dapat nagsusulat dito.  Hindi ko rin dapat i-try na matulog dito tulad ng plano ko 3 weeks ago nang karirin kong pasukin ang kwartong ito “for curiosity’s sake”.  Time na para lumabas.

     Ngayon, balik ako sa dating problema, saan ako magsusulat?  E di sa tamang lugar, sa bahay.  Natural, hintayin ang pagtirik ng buwan at pagdilim ng kalangitan, kung hindi pa ako tulog at pursigido pa akong tapusin ang walang kakwenta-kwentang article na ito na pamparami lang.  Hintaying makatulog nang mahimbing si mama, pigilang makatulog si sarili para makapagsulat.  Ilabas ang inuming alcohol, mga tatlong shots tapos bira na ng sulat!

     I swear, pag yumaman ako, magaala-psychologist slash detective slash professional writer ako complete with tape recorder and personal typist para hindi ko ma-miss ang lahat ng gusto kong isulat.  Pero for now, pag sinumpong ako ng kawalanghiyaan, papalitan ko ang sign sa labas ng prayer room ng hospital…  “Private Property No Trespassing”  at sa door knob:  “Do Not Disturb!”

Miyerkules, Mayo 16, 2012

Mga Lalaki At Bubot Na Rosas (Ikalawang Yugto)


     Hindi ko alam kung gaano katagal kaming nabuhay magkatabi nang hindi nag-uusap.  Ang natatandaan ko lang, nagsimula kaming mag-usap nung minsang pumasok ako nang maaga.  Six o’ clock ng umaga ang flag ceremony, five thirty pa lang nuon, sarado pa ang kwarto namin pero pwedeng maghintay sa labas.  Pagdating ko duon, nakita ko siyang nakatayo sa harap ng kwarto namin, kumakain ng nilagang itlog.  Alangan namang hindi kami mag-batian, so, binati ko sya, “Itlog!”  Ewan ko, ba’t iyon ang lumabas sa bibig ko, pero tumawa sya, tumawa rin ako, nagtawanan kami.  Ang mga bata nga naman!  Iyon ang naging simula ng pag-uusap naming dalawa.

     Lahat na lang pinag-uusapan namin.  Pati kung magkano ang ibabaon namin bukas at ano ang bibilhin namin sa “tray” kapag recess, dapat pareho kami ng kakainin.  Para kung may magtae man sa oras ng klase, pareho kami!

     Paborito nya ang Science, kaya kapag exam ay pinababayaan ko syang sumagot sa test paper nya, tsaka ko na lang kokopyahin.  Ganun din naman sya sa akin kapag Sibika at Kultura ang subject.  Sa kaso ng Mathematics, joined forces kami.  Pareho naming iso-solve ang problem at pagkatapos ay pagkukumparahin ang mga sagot namin.  Ganun din kami sa ibang subjects na hindi kami sigurado sa sagot.  “Tapos ka na?” tanong nya.  “Oo,” sagot ko naman.  “Tara, mag-review tayo ng sagot!”  Ganun lang, at pagtatabihin na namin ang test papers namin.  Pagtatalunan kung bakit letter A ang sagot nya at letter C ang sa akin.  Tapos ay magkakasundo kung kaninong sagot ang mas mukhang tama, at babaguhin ng isa ang sagot nya.  Kung minsan, pag pareho kaming walang sagot sa parehong number, makiki-“review” kami sa sagot ni CC na nakaupo sa unahan namin.

     Mas malinaw ang mata ko sa kanya.  Isa lang ang naging mali ko sa periodical exam sa Math nuon.  Mabuti na lang at hindi pinag-aralan ni Ma’am ang mali ko sa exam.  Tandang-tanda ko pang number 32 yun, ang tanong ay, “What mathematical operation did you use?”  Ang sagot ko ay “B.   Multiplication”, mali dahil “C.  Division” ang sagot.  Kaso, ang sagot ko sa number 33 ay tumama, at ang tanong ay “What is the correct answer to the problem?”  Angaling ko, mali ang mathematical operation na ginamit, pero tumama ang sagot sa computation!  Ansama nga ng tingin ni DT sa akin nang malaman nyang isa lang ang mali ko, samantalang sya, lahat halos ng sagot sa problem-solving ay mali.

     Magkaiba pala kami ng pinag-“review”-han ng sagot, nagtiwala kasi sya sa test paper ni RM na katabi ni CC.  Samantalang ako, nang ipa-pass ko na ang test paper ko, hinablot ako ni CC at sinabing, “Huy, kinompyut ko isa-isa, ganito ang sagot oh!”  Dahil mas kapani-paniwalang nag-kompyut nga si CC nang tama, kinopya ko ang sagot nya sa problem-solving!  Nakupo, baka bawiin sakin yung ribbon ko ng “Best in Math” nung Grade 3!

     Okay namang katabi si DT sa upuan.  Masasabi kong popular sya sa klase.  Simula nung manaksak sya ng lapis, nakilala na sya sa klase.  Maraming nangingilag sa kanya, kabilang na ako nuong una.  Pero nang maglaon nga, hindi ko na sya kinatakutan.  Kung sabagay, mas madalas namang hindi ko sya katabi.  Kung saan sya nagpupunta, hindi ko alam, basta, madalas syang wala sa upuan nya.  Maririnig ko na lang na isinusumbong sya ng mga kaklase ko sa Row 3 na nanggugulo, nang-aaway, at nandudura.  As long as hindi ako ang dinuduraan, walang problema sa akin.

     Problem-child ang tingin sa kanya ng klase nuon.  Bukod sa pagiging magulo nya, pinangingilagan din ng karamihan ang itsura nya.  Ewan ko, nag-iba na ang itsura nya kesa nung una ko syang makita, naging madungis sya.  Siguro, excited lang sya nung mga unang araw ng klase kaya naliligo sya sa umaga.  Nang maglaon, aliwan ko nang titigan ang nangingitim nyang leeg, batok, dibdib at tenga.  Kung anu-anong figures ang nabubuo ko sa mga libag nya.  Wala naman syang pakialam kung nakatitig ako sa leeg nya, itinitingala pa nga nya ang ulo nya, para mas mabuo ko ang mapa ng Pilipinas sa leeg nya.

     Sa ganuong itsura nya, nagulat kami isang araw, pinagkakaguluhan sya ng mga babae naming kaklase.  Namimigay sya ng mga sachet ng Palmolive shampoo, galing daw sa tita nya.  Gusto ko ngang itanong kung bakit pinamimigay nya, hindi na lang nya gamitin?  Pero hindi ko sinabi sa kanya yun, ayokong sirain ang moment of glory nya, kahit na masama ang loob ko sa kanya dahil ako yung katabi nya, ni hawak sa shampoo hindi ko nagawa.

     Nuon ko nalaman na iniwan sya ng nanay nya sa tita nya (ewan, para siguro magtrabaho) pagkatapos silang iwanan ng tatay nya.  Nuon lang din nalaman ng klase kung bakit sya ganuon kagulo sa klase.  Ewan, pagkatapos nun, nabawasan na ang nanunukso sa kanya ng “kadiri!”  Minsan, naitanong ko sa kanya, “Kanino ka mas galit, sa mama mo o sa papa mo?”  Walang gatol syang sumagot, “Sa daddy ko syempre, dahil iniwan nya kami ng mama ko!”  Ewan ko, hindi ko na sya uli tinanong tungkol sa personal nyang buhay.  Para sa akin, tama nang malaman kong mahal nya ang mama nya sa kabila ng lahat, at dahil duon, nirerespeto ko sya bilang bata, bilang kaklase, bilang kaibigan.

     Hindi ako naaawa sa kanya kaya ako mabait sa kanya.  It’s just that, ni minsan, hindi nya ako sinaktan at hindi kami nag-away.  Sa unang pagkakataon, namuhay akong payapa sa kinauupuan ko, trinatong babae, kahit kapag nagkukwento sya ay para lang akong ordinaryong lalaki na kasabay nyang umihi sa CR.  Trip na trip nyang magpa-impress sa akin kung ano na ang kaya nyang gawin na hindi gagawin ng karaniwang bata.

    Nung Grade 4, pumilas sya ng isang dahon ng notebook nya, isinubo, nginuya, iniluwa at ibinato sa babae sa likuran na kung tawagin namin ay “Becky”.  Ewan, kawawa naman si Becky, (as in beke, dahil sa nakalobo nyang pisngi) di naman nya kasalanang ma-transfer sa skul namin, galing sya sa probinsya, napagtripan lang na kaasaran at i-bully.  Guilty rin ako, dahil kasama ako sa nanunukso sa kanya at natatawa kapag tinatakot sya nila DT, AP at RL.  Kapag hindi si Becky ang napagti-tripan namin, si CS naman na nakaupo sa harapan namin ni AP at katabi naman ni DT nung Grade 4.

     Bago dumating ang Christmas Party nung Grade 4, nagbunutan kami ng “Monito, Monita”, si DT ang nabunot ko.  Tinanong nya kung sino ang nabunot ko, sabi ko, “babae, bibigyan ko ng headband”.  Totoong may nabili na akong headband pang-regalo, bente o sampung piso lang yata ang dapat na worth ng regalo nuon.  Pero tinanong ako ng mama ko kung ano raw ba sa palagay ko ang bagay ibigay kay DT, yung gagamitin daw nya dapat.  Ang sagot ko, “Ma, malatik ang leeg nya sa libag eh!”  “O sige,” sabi ng mama ko “bibigyan natin sya ng Safeguard at bimpo, sabihin mo sa kanya, pag di natanggal yung maitim sa leeg nya, kuskusin nya ng suka, hah!” pagbibiro ng mama ko.

     Iniwasan kong makatabi sya sa upuan pagdating ng Christmas Party.  Natatakot ako sa maaari nyang gawin sa akin kapag nakita nya ang laman ng regalo nya at pag nalaman nyang sa akin galing yun.  Pero kahit anong pagtatago ang gawin mo, kung “popular” ka naman sa klase, at hinahanap ka ng naghahanap sayo, tiyak makikita ka talaga.  Lumapit sya sa akin, hawak ng dalawang kamay ang nakabukas nang regalo ko sa kanya, “Thank you, hah!” sabi nya kasunod ng isang nahihiyang ngiti.  Ginantihan ko sya ng isa ring nahihiyang ngiti, “Sabi ng mama ko, gamitin mo raw!” bulong ko sa kanya.



…  Itutuloy

Sabado, Mayo 12, 2012

Mga Lalaki At Bubot Na Rosas


     Umpisa ng klase, hinagod ko ng tingin isa-isa ang mga mukha ng kaklase ko, sinisipat kung sino ang nadagdag at sino ang nawala.  Karaniwan na sa public school na ang mga nag-top 5 sa klase nuong nakaraang pasukan ay nalilipat sa section na mas mataas, (halimbawa, ang dating nasa Section 5 ay ililipat sa Section 4 o kaya sa Section 3, 2 o kaya ay 1, depende kung naging gaano kagaling ang estudyante), at ang top 5 namang “rotten apple” ay inililipat sa mas mababang Section.  Ang mga normal na estudyante ay nananatili sa Section nila, at nung mga panahong iyon, isa pa akong normal na estudyante, kaya nanatili ako sa Section na iyon.

     Laking tuwa ko nang mapagtanto kong wala na sa Section namin si CB, na katabi ko sa upuan nung nakaraang schoolyear, na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay nakakaaway ko.  Lagi akong umuuwing puro sulat ng lapis ang blouse at palda ko, kung minsan ay mapula ang braso sa pangungurot at suntok niya.  Naalala kong nasulatan ng titser ko ang report card ko sa Second Grading ng, “She’s very talkative in class” dahil sa kanya.  Palagi yata akong nahuhuli ni Mrs. MM na pinagbabantaan ang buhay ni CB  “’wag kang dadaan sa Samat, ‘kala mo!”

     Si CB ang nagturo sa akin kung paano maging matapang, malakas ang loob at umastang siga.  Hindi naman pormal ang pagtuturo nya, dala ng pangangailangan kong ipagtanggol ang sarili sa kanya, natuto akong lumaban, at kung may pagkakataon ay ang maunang makakaltok sa kanya.

     Ngayong pasukan, wala na si CB, sumailalim na siguro sa Witness Protection Program, inilipat sa ibang Section.  Nakahinga ako nang maluwag.  Kung sino man ang naging kapalit nya sa Section naming, hindi na iyon magiging kasing-sama nya.

     Marami ngang nawala sa section namin, marami ring nadagdag.  Kung ilan ang bagong babae, hindi ko alam.  Kung ilan ang bagong lalaki, hindi ko rin alam pero isa-isa ko silang tinitigan.  Wala akong interes sa mga babae dahil alam kong walang pagkakataong makatabi ko sila sa upuan.  Ang laging puwesto ng upuan namin ay babae at lalaki ang magkatabi, para raw maiwasan ang pagdadaldalan ng parehong lalaki at parehong babae.  O kaya, trip lang ng mga teacher ang mag-match-making ng mga estudyante.  Ganon?!

     Tatlo sa mga bagong lalaki ang napagtuunan ko ng pansin.  Hindi ko alam kung “crush” ang tawag dun.  Pero kung sa tuwing may pagkakataon ay kailangan kong sulyapan ang mga mukha nila bago ipagpatuloy ang ginagawa ko, palagay ko ay crush nga iyon.  Hindi sila mukhang barbarian na katulad ni CB.  Maputi, maayos manumit, mukhang matalino, cute!  Naisip ko, kung may makakatabi ako sa upuan, sana isa sa kanila.  Kaiinggitan siguro ako ng mga kaklase kong babae.

     Hindi ko alam kung narinig ni Mrs. VM ang iniisip ko, dahil, itinabi nya nga ako kay RL, at sa likod ko naman ay si AP!  Akala ko tuloy Pasko, narinig ko sa background ng isip ko ang “Jingle Bells”!  Hindi ko na kailangang hanapin ang mga mukha nila sa klase, katabi ko na ang isa, at ang isa ay nasa likod ko lang.  Nakalimutan ko tuloy kung saan napaupo yung pangtlo!  Anyway, masaya na ako.

     Nung una ay tahimik ang bagong magkakatabi, at ang buong klase.  Makalipas ang isang lingo, nagtutuksuhan na ang isa’t-isa.  Si AP, natukso kay CS na katabi nya, hindi ko alam kung sino sa kanila ang mas may gusto kanino.  Hindi naman ako nasaktan sa tuksuhan nila, nakita ko namang bagay sila.  Tsaka, busy naman ako sa katabi ko.

     Busy ako sa pakikipag-debate kay RL na hindi ko alam kung bakit lahat na lang ng sabihin ko ay kinokontra.  Okay lang kung nangungulit lang na nagpapapansin eh, kaso, hindi na cute yung kapag natatalo na sya, nagmumura, pikon.  Tapos, hindi na ako pinapa-share ng libro, dinodrowingan ang notebook ko, niyabangan pa ako na kaya na raw niyang magsulat na bolpen ang gamit.  Nakatanggap din ako sa kanya ng kaltok, okay lang.  May isang pagkakataon namang nagkasalubong kami, bigla ko na lang siyang nasuntok sa mukha… sa walang kadahilanan.  Delayed reaction ko siguro.

     May mga pagkakataon ngang gusto kong maiyak kung bakit sya pa ang nakatabi ko.  Hindi naman sya gentleman.  Ano bang pinagkaiba nya kay CB, bukod sa guapo sya, marunong gumamit ng bolpen, at may panyo syang may tatak na “El Shaddai” na pag napipikon na sya ay itatalukbong nya sa akin at dadasalan ako!  Ano ‘ko, nasapian ng masamang espiritu?!

     Kung lilingunin ko naman sa likod si AP, wala rin akong mapapala, kaibigan sya ni RL.  Pareho lang sila ng ugali.  Nagti-trip sa katabing babae.  Mas mabait nga lang ng konti si AP kesa kay RL.  Nakatabi ko rin kasi si AP sa upuan nang sumunod na pasukan, nung Grade 4.  Hindi naman ako inaaway ni AP nuon dahil by that time, isa na akong certified power-tripper, isang bully.  If you can’t beat them, join them, di ba?!  Kaya, kawawa naman si CS, na tinuturing pa naman nya akong bestfriend nuon, e ako ‘tong nagbubulong kay AP kung ano ang gagawin at sasabihin kay CS para maasar at mapaiyak.

     Normal na nuon ang buhay ko sa tabi ni RL, napag-aralan ko ring sakyan ang mga kwento nyang out of this world.  Nagbait din naman sya sa akin, simula nang masuntok ko sya sa mukha na hanggang ngayon ay di pa rin namin kapwa alam ang dahilan.

     Nagsusulat sa blackboard si Mrs. VM nuon nang makarinig kami ng iyak sa likuran.  “Ano’ng nangyari?” tanong ni Ma’am.  Hindi naman ako likas na chismosa kaya hindi ako lumingon sa likod.  “Ba’t mo sinaksak?”  narinig ko, nang lumingon ako, nakita ko si Ma’am na hinuhubad ang polo ni JB.  Sa bandang likuran ng polo ay may dugo at maitim na tuldok.  Hindi ko maintindihan kaya tumayo ako para makita ang nangyayari sa likuran.  Umaagos ang luha sa mata ni JB, itinuturo ang lalaking may hawak na lapis sa likuran nya.  “Nang-aasar po eh!” sabi ng itinuro.  “Dalhin mo ang nanay mo bukas hah!” sabi ni Ma’am.  Nuon ko naisip, ang lalaking nanaksak ng lapis (na hindi matulis pero nakapagpadugo ng likod hah!) ay ang pangatlong lalaking nagustuhan ko nung unang araw ng klase.  Napatingala ako, “Thank you Papa Jesus, ‘di ko sya nakatabi!” naiusal ng isip ko.

     Hindi ko rin alam kung narinig ako ni Papa Jesus, pagdating ng Second Grading Period, naglipatan kami ng upuan.  Ang ayos daw ng pag-upo namin ay ayon sa grades na nakuha namin nung First Grading Period.  Masaya na naman ako dahil nahiwalay na ako kay RL.  Basta, feeling ko lang di kami magka-level ng utak, at ano ba naman ang probability na makatabi ko uli sya sa upuan?  Hindi ko naman inaasahan yun, pero napunta ako sa Row 1.  Hawak ni Ma’am ang balikat ko, iminuwestrang maupo sa likuran.  Sa paglalakad ko patungong likuran, nahagip ng tingin ko ang lalaking nanaksak ng lapis, nakaupo sa pang-apat na linya.  Dumiretso ako ng lakad sa dulong likuran.  Pagkababa ko ng bag sa upuan at akmang uupo, nagsalita si Ma’am, “Ay, maliit ka para dyan, dito ka sa tabi ni DT maupo.”  Para akong nakidlatan sa kinatatayuan.  Ang batang nagngangalang DT at ang batang nanaksak ng lapis ay iisa!  Lumingon sya sa akin, paanong ang maamong matang iyon ay mata ng isang kriminal, isang saksakero, este, mananaksak pala!  Nang mga sandaling iyon, gusto kong hiramin ang “El Shaddai” na panyo ni RL at italukbong sa mukha ng katabi ko at dasalan sya.  Wala yata akong swerte sa katabi sa upuan!

     Mabait naman sya, tahimik.  Pero mabait at tahimik din naman sya bago nya sinaksak ng lapis si JB diba?  Kaya, nagbait din ako at nanahimik.  Palagi kong pinaaalalahanan ang sarili ko na wag basta-basta manununtok nang walang kadahilanan, at kung may dahilan man, huwag susuntukin ang katabi.  Amen!

… Itutuloy